Wednesday, November 3, 2010

ang mga bata

tula ni Jose F. Lacaba

Sa daigdig ng hari at higante,
Ang mga bata
Ay hindi nakikita.
Maliit pa sila sa duwende.
Wala silang mukha.
Nagkakataon na nakatingin ka sa malayo,
Walang kakurap-kurap,
Kapag sila ang iyong kaharap.

Paminsan-minsan
Pahintulutan mong mabulabog ang iyong ulirat.
Sa labas ng madilim na salamin ng malamig mong kotse,
Kumakatok ang mga musmos na kamao
Ibaling paminsan-minsan ang iyong mga mata
Sa hawak nilang kuwintas ng sampagita
O bungkos ng swipsteyks.
Pansinin paminsan-minsan ang mga nakalahad na palad.

Sa kanayunan, sa gitna ng hindi matapos-tapos na pakikidigma
Ng hari sa pulubi,
Ang mga bata
Ay nakikipagtaguan sa tingga,
Nakikipagpatintero sa punglo,
Nakikipaghabulan sa anino ng higanteng tutubi
Na bumubuga ng apoy.

Sa siyudad ay umiiling ang iyong diwa.
Maraming mandurugas sa siyudad:
Kinakasangkapan nila
ang mga bata,
sinasamantala nila ang iyong awa.
Lumang tugtugin na iyan, totoy.
Bumenta na iyan, ineng.

Pero hindi ka nakakasiguro.
Maaaring may ginaw sa loob ng butuhing dibdib.
Maaaring may hapdi sa nangangasim na sikmura.
Maaari. Maaaring wala.
Maaaring ipinahid lang ang dungis sa mukha.
Maaaring arte lang ang hapis sa mata.
Maaari. Maaaring hindi.
Pahintulutan mong mabulabog ang iyong ulirat
Paminsan-minsan. Paminsan-minsa’y tumingin
Sa labas na madilim na salamin ng malamig mong kotse.
Hindi ka bulag, at walang tagabulag
ang mga bata.

No comments:

Post a Comment